Monday, December 1, 2008
Higit Pa Sa Alamat
Marahil ang mga kilala nating superheroes ngayon ay sila superman, batman, spiderman at kung sinu-sino pang may kapa at naka-maskara. Kalaban nila ang mga halimaw na hindi naman lalabas kung wala talagang superhero. Nilalabanan nila ang mga nagbabadyang manira ng mundo.
Pero kilala niyo ba si Bernardo Carpio? Siya ang minsa'y sumikat na bayani. Malamang ay naniwala pa ang mga tao noon na siya ay hindi lang alamat kundi isang tunay na bayani.
Maraming alamat na nagkukwento ng kasaysayan ni Bernardo. Ayon sa isang bersyon, si Bernardo daw ay anak ng mahirap na mag-asawa. Dahil mga huwaran ang mag-asawa na iyon, ang kanilang anak na si Bernardo ay biniyayaan ni Bathala ng kakaibang kapangyarihan. Maikukumpara siya kay Hercules ng mga Griyego.
Ang nagbigay ng pangalan ni Bernardo Carpio ay isang pari. Hango ito sa kapangalan niyang alamat din sa Espanya. Ito ay nagbabadya na mamumuhay din siya sa isang alamat.
Napili siyang mamuno sa himagsikan laban sa mga Kastila. Dahil sa takot ng mga Kastilang sila ay matalo, humingi sila ng tulong sa isang engkanto. Kaya si Bernardo Carpio ay nahuli nila sa kanilang patibong. Naipit siya sa dalawang nag-uumpugang bato sa isang kweba. Hindi siya matulungan ng mga tao. Kapag ginagalaw niya ang kanyang balikat, nagkakaroon ng lindol.
Si Bernardo Carpio ay naging simbolo ng kalayaan nuong tayo ay sakop pa ng mga dayuhan. Nuong 1940, naipon ni Damian Eugenio ang iba't ibang bersyon ng alamat ni Bernardo. Sinasabi nito na sa oras na makawala si Bernardo Carpio, siya ag magtatanggol sa mga Pilipino sa paghihirap at pagiging alipin.
Maaaring si Bernardo ay isang alamat lamang. Maaari ring may nabuhay talaga na isang tao na ang pangalan ay Bernardo at inasahan na magiging tagapagligtas mula sa mga dayuhan. Pero sa tingin ko, si Bernardo ay isang simbolo ng mga Pilipino.
Unti-unting natatanggal ang mga kadena niya. Unti-unti ring lumalakas si Bernardo. darating ang araw na madudurog niya ang dalawang malalaking bato. Darating din ang araw na katulad ni Bernardo, makakaahon ang mga Pilipino. Hindi niya kailangan ng tagapagligtas, siya mismo ang magliligtas sa sarili niya. Ang mga Pilipino ang magliligtas sa Pilipinas.
Sino nga ba ang nangangailangan ng kapa, maskara at superpowers?
spells' results by 2:05 PM